May mga dahilan kung bakit hindi na, at dapat pang pagkaabalahang ibalik sa anumang porma, at usisain ang HIMALA ni Ishmael Bernal, na isinulat ni Ricky Lee at pinagbibidahan ni Nora Aunor noong 1982.
Hindi na dapat pa sanang pagkaabalahan pang ibalik sa kung ano mang porma ang nakagisnang pelikula dahil sa ‘di mapapantayang pagganap ni Aunor noon, na siyang tumatak sa pagka obra ng gawa. Ito ay minsa’y dinumog at nakatatanggap pa rin ng walang hanggang mga parangal magpasahanggang ngayon. Isa ang HIMALA sa napakaraming pelikula ng Superstar ang talaga namang umaani ng papuri, sampu ng mga sumunod pa nyang mga gawa.
Si Ricky Lee na isa namang institusyon sa larangan ng panulat, higit pa sa dulang pampelikula, ay siyang nagsa-alagad ng katotohanan sa paglikha ng tunay na mahimalang naratibo na tulad nito, na ang mensaheng hatid ay tila nagsa-Bibliyang sandigan ng mga nakasaksing manonood noon.
Maging ang suriyal at misteryosong pagsasapelikula ni Bernal, bilang director, ay magpasahanggang ngayo’y hindi mapantayan. Sa pagbibigay buhay niya sa alegoriya ni Elsa at ng Cupang, ay buong husay na naisalin ni Bernal ang layon ng sumulat at matagumpay na naisalaysay ang mga naghalong sumpa, biyaya at mga mirakulo.
Kaya kung tutuusin, ay sapat na sanang mapanatili ito sa orihinal na porma at narratibo. Para sa isang tagahanga, nawa’y hindi na sana ito galawin o ibalik man sa iba pang porma.
Ngunit sa kabilang banda’y walang ibang maaring sisihin kundi ang mga panatiko naming mga sarili. Dahil kung tutuusin, dala na rin ng mga kadahilanang ito, ang HIMALA ay dapat lamang pag-usapan – anupa’t balikan, at muli’t muli ay ibahagi sa makabagong henerasyon.
Napakainam na pagpili ang muli itong ibahagi sa pormang dulang-musikal. Sapagkat, ika nga, higit na nananamnam ang anumang konseptong dapat mailatag kung maihahatid ito sa paraang nasasaksihan at napakikinggan (sa saliw ng melodiya ng awit, lirico at tinig ng artista).
Ang pagbabalik ng HIMALA – Isang Musikal ni Vince De Jesus sa entablado ay isang selebrasyon ng pag-alala sa ating mga nakaraang obra. Sa makabagong imahinasyon ni Ed Lacson Jr., ito ay isinasagawa sa paraang tila interaktibo na kung saan ang mga manonood ay walang malay na nakikilahok sa alegoriya ni Lee at sa trahedya ni Elsa.
Minsang naka-eklipse sa baryo ng Cupang, ay nanikluhod sa takot ang mga taga-baryo, maliban sa isa. Si Elsa, isang dalagang taga Cupang ay nanikluhod din sa tapat ng isang nalalantang puno, ngunit imbes na takot ay nabalutan siya ng mangha at kaliwanagan. Ayon sa kanya, ay nagpakita raw ang Birheng Marya sa kanya at sinabing siya ang magbibigay ng pag-asa sa mga tao roon. Matapos ang eklipse at sa mga sumunod na araw, ay nagsimulang manggamot si Elsa. Dumagsa ang mga tao, turista at puta sa Cupang upang sabayan ang pagbuhos ng mga biyayang dala ng dalaga. Ngunit sa gitna ng mga liwanag, ay may nagtatagong karimlan na unti-unting babalot muli sa Cupang at sa mga tao roon.
Mahusay ng pagkakapili sa maliit na teatro na siyang pinag-gampanan ng dulang-musikal. Nailapit ang mga karaker sa mga manonood na halos makabungguang balikat na. Nakadagdag pa rito ang hindi paggamit ng mikropono. Direktang tinig at dinig na walang halong daya ng teknolohiya. Dahil dito’y nakalikha si Lacson ng senaryong kasama maging ang mga manonood sa suriyal na naratibo. Tayong mga tagapagmasid ang siyang mga piping saksi. Sa ganitong aspeto’y naging isa ka sa mga tao ng Cupang – nakikiusisa at naglilimos ng himala.
Nakalulugod, lalo higit, ang solong tipa ng piano na nagpaigting sa tinig ng mga aktor, na lalong nakatulong upang mabigyang diin ang tema ng naratibo. Madarama ang katapatan ng dulang-musikal na maihatid ang palabas sa orihinal nitong piyesa habang nababalanse nito ang hangaring mailapit sa panlasa ng makabagong henerasyon.
Hinipan ng buhay ni Aicelle Santos ang karakter ni Elsa para sa mga makabagong manonood. Bagama’t ibinalik nya ang kabataan ni Elsa, ay mawawari pa rin ang kalaliman ng kanyang persona sa bigat ng kanyang itinatagong mundo. Sa kanyang mga mata’y makikita ang walang hanggang pagtutunggali ng katotohanan at mga kasinungalingan, na siyang nagpalalim pa ng misteryo ng kanyang mga himala.
Bukod tangi rin ang pagganap ni Bituin Escalante bilang Aling Saling – ang ina ni Elsa. Kung tutuusin, si Saling sa pelikula ay masasabing pangalawang tauhan lamang, tahimik na sumusunod sa alon ng mga pangyayari. Subalit sa dulang-musikal, nagkaroon si Saling ng pagkakataong magbahagi ng panibagong mukha. Makikita kay Escalante ang tahimik na pagdududa at mahasik na panaghoy ng isang ina sa ginta ng mga baliw na pagsamba at paglapastangan sa kanyang anak.
Binigyan ni Kakki Teodoro ng panibagong mukha ang imahe ng Birhen at ng kanyang mga himala. Mula sa kanyang Nimia ay nagkaroon tayo ng balanseng pagtingin sa mundo ng Cupang sa pagdadala niya ng mapanibugho, ngunit makulay na mundo ng Babilonya sa komunidad ng huwad at mapagpanggap na Kristiyanismo. Masasabing ang karakter ni Nimia ang nagpantay sa magilas na interaksyon ng relihiyon, pulitika at ng mga diyos sa Cupang. Tinupdan ito ni Teodoro gamit ang persona ng isang putang may puso at higit na malawak na pag-intindi sa magilas na interkasyon ng masama at ng mabuti.
Tulad ng mga manonood, ay pasibong nagmasid si Orly gamit ang kanyang kamera at pag-asang makakakuha na siya ng “break.” Tulad natin, ay nakikita niya ang hindi nakikita ng iba. Iniakyat ni David Ezra ang karakter ni Orly ng may pagdududang hinaluan ng pagkamangha, takot at kunsensiya. Sa kanyang awiting “Ako Ba’y Tulad Rin Nila,” naipakita ni Ezra ang pinaghalong unsiyami at kunsensiya sa gitna ng lihim na trahedyang hindi niya maaring ibunyag.
Sa kabuuan ay nanaig ang orihinal na naratibo ni Lee. Muli nitong ginising ang damdamin ko bilang isang tao. Sa mga bawat eksena ay paulit-ulit kong namalayan ang mga katotohan sa likod ng himala ng ating mga buhay. At bilang patotoo sa pamosong linyang, “walang himala!” ay mapagtatanto agad ng mga manonood ang mensaheng, tayo mismo ang himala!
Para naman sa teknikal na aspeto ng teatro, itong panibagong pagtatanghal ng HIMALA: Isang Musikal ni De Jesus at ni Lee ay isang patunay na marami pa tayong maaring gawin sa ating mga pagsasadula at pagpapalabas. Tulad ng paghamon ni Bernal noong 1982 sa mga kombesyon ng modernong pelikula, pinatunayan ng produksyong ito na marami pang paraan upang hamunin ang ating mga nakasanayang kumbensyon sa teatro.
Sa pagsasanib ng ating mga kamalayan; bilang mga artista ng larangan, o bilang mga taong manonood, tayong lahat ay nagiging isa sa paglikha ng gawa. Ito ang napatunayan ng Sanbox Collective at 9 Works Theatrical sa kanilang bagong palabas. Maging artista man, o simpleng tagamasid, tayong lahat ay may mga mahahalagang naratibong kailangang balikan, kailangang pag-usapan, na kapag naisapuso’y nagiging tunay at totoo ang himala.
Sa mga ganitong uri ng gawa, ay hindi magiging sapat ang mga walang humpay na palakpak at sigaw sa lalim at misteryong inihatid ng produksyon. Bukod dito, ang ating pagsasa-puso ng tema at layon ng kwento ni Elsa ang magbibigay daan upang tayo’y magsimulang sumuri, maniwala, magmahal, at magbago.
Ito ang mirakulong dala ng HIMALA: Isang Musikal.